Tulo ang isa sa karaniwang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Sa kasalukuyan, tinatayang mahigit 78 milyong katao sa buong mundo ang nag kakaroon ng sakit na ito kada taon. Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga apektado, mahalagang maintindihan ng madla ang sakit na ito, malaman ang sanhi at ang mabisang gamot para sa tulo.
Ano ba ang tulo?
Ang tulo ay isang sakit na nakakahawa at nakukuha sa
pamamagitan ng pakikipagsiping o sex sa isa (o higit pa) na tao na apektado nito. Ito ay isang uri ng tinatawag nating Sexually Transmitted Disease
(STD) at Sexually Transmitted Infection (STI). Sa kabilang banda, maaring
magkaroon nito ang isang sanggol kapag ka panganak mula sa pwerta ng kanyang
ina.
Ang sakit na ito ay dulot ng isang impeksyon mula sa isang
klase ng bakterya na tinatawag na Neisseria gonorrhoeae. Namamahay ang
bakteryang ito sa parte ng ating katawan na mainit-init at mamasa-masa tulad ng
ari, butas ng puwit, daanan ng ihi, bibig, lalamunan at mata. Dahil sa parte ng
katawan na pinamamahayan nito, madali itong ma ipasa sa iba lalo na kung marami
o iba-iba ang katalik.
Ang tulo ay isa lamang sa tawag sa uri na ito ng STI. Sa
salitang kalye, kilala rin ito sa pangalan na “Clap”, “Drip”, at “GC”, samantalang
Gonorrhea naman sa wikang Ingles.
Sintomas ng tulo sa babae
at lalaki
Babae man o lalaki, parehong maaring magkaroon ng tulo.
Karaniwan ang STD na ito sa mga edad 15 hanggang 24 taong gulang.
Kadalasan lumalabas ang sintomas makaraan ang isang lingo o
higit pa mula sa araw ng pakikipagtalik sa taong may tulo. May mga tao naman na
nanatiling walang sintomas sa mahabang panahon.
Pero ano nga ba ang mga sintomas o itsura ng tulo?
Sintomas ng tulo sa
lalaki
Kadalasan ang hirap o hapdi sa pag ihi ang unang nararanasan
na sintomas ng mga kalalakihan. Sinusundan ito ng iba pang sintomas tulad ng:
- Pananakit ng lalamunan o madalas na sore throat (kung madalas ka makipag “oral sex”)
- Pamamaga ng dulo ng ari
- Madalas na pag-ihi na para kang may balisawsaw
- Masakit o namamaga ang bayag
- May lumalabas na puti o ma-berdeng likido mula sa ari (kaya ito tinawag na tulo).
Sintomas ng tulo sa
babae
Sa mga babae, maaring matagal maramdaman, di gaanong malubha
o wala talagang sintomas ng tulo.
Kadalasan ang senyales ng tulo sa babae ay:
- May puti o ma-berdeng likido na lumalabas mula sa pwerta
- Masakit o mahapdi na pag ihi
- Masakit ang puson o balakang
- Pagdurugo pero hindi dahil sa regla
- Pamamaga ng ari
- Pananakit ng lalamunan o madalas na sore throat (kapag madalas maki pag oral sex)
Ang mga sintomas na nabanggit ay maaring mapagkamalan na
sanhi ng ibang sakit tulad ng yeast infection. Kaya kadalasan iniisip ng
kababaihan na maari itong mawala sa pag-inom lamang ng mga simpleng gamot mula
sa botika.
Iba pang mga sintomas
Kung napabayaan at hindi magamot agad, ang tulo ay maaring
magdulot ng kumplikasyon at kumalat sa iba pang bahagi ng katawan.
Maari itong maging sanhi ng malalang kumplikasyon sa daanan
ng ihi o urethra, bayag sa mga lalaki at pagka baog sa mga babae. Dagdag pa
nito, maari din nito apektuhan ang balat at magdulot ng mga butlig o rashes.
Ano ang epektibong gamot
sa tulo?
Lubos na inirerekomenda ang pagpapa tingin agad sa doktor
kung ikaw ay mayroon ng kahit isa lang sa nabanggit na sintomas ng tulo. Mainam
na magpa konsulta agad upang ma-agapan at madali pa itong pagalingin.
Upang malaman kung ikaw ay may tulo, maaring ipa suri ang
iyong ihi o mag sagawa ng swab test. Sa swab test, i-kikiskis ang swab sa apektadong
bahagi ng iyong katawan upang makakuha ng espesimen na ipapadala sa laboratoryo upang
masuri.
Antibayotiko o antibiotics ang pinaka mabisang gamot sa
tulo. Tulad sa ibang sakit, hinihikayat na tapusin ang gamutan at sundin ang
tagubilin ng doktor upang maiwasan ang pagbalik ng sakit sa anyong mas mahirap
gamutin.
Ayon sa bagong
impormasyong inilathala ng World Health Organization (WHO), mula sa mga nakalap
na datos mula sa 77 bansa, nagpapakita na ang mga bagong kaso ng Gonorrhea ay
mas mahirap gamutin at halos imposible talaban ng gamot.
Dito sa Pilipinas, bagamat maaring hindi maging epektibo ang
mga unang linya ng gamot, mayroon pa naman susunod o ikalawang linya ng gamot sa
Gonorrhea. Dahil dito, kinumpirma
ni dating DOH Assistant Sec. Eric Tayag, na wala pa sa Pilipinas ang bagong uri ng
tulo na ipinahayag ng WHO.
Gayunpaman, hindi parin dapat makampante ang mga Pilipino.
Bagkus lalo pa dapat pa igtingin ang pag iingat at iwasan ang hindi
protektadong pakikipagtalik.
Mga herbal na gamot sa tulo
Buko ang pinaka tanyag na sinasabing panlaban sa tulo.
Bagamat ang buko ay madaming nutrisyon na may positibong epekto sa katawan, ito ay HINDI gamot
at walang epekto sa tulo.
Bumabalik ba ang tulo?
Oo. Dahil ang tulo ay isang uri ng STD, maari ka muli
magkaroon ng ganitong sakit kung ikaw ay makikipagtalik sa taong mayroon nito.
Mga paalala at tagubilin ukol sa Gonorrhea:
- Ugaliin ang protektadong pakikipagtalik. Gumamit ng condom sa bawat pakikipagsiping. Malaki ang posibilidad na makakuha ng bakterya or ano mang uri ng STI kung ikaw ay aktibong sekswal o nakikipag talik sa magkaka ibang kapareha.
- Itigil o umiwas sa pakikipagtalik pag may naramdamang kahit anong sintomas ng tulo. Hintayin ang “clearance” o “go signal” matapos ang pagsusuri ng doktor, upang malaman kung ligtas na ulit makipag talik.
- Maging matapat sa iyong kapareha o sa mga nakatalik na ikaw ay nagkaroon ng sintomas ng Gonorrhea. Hikayatin na sila ay kumonsulta at mag pagamot din sa doktor.
- Iwasan ang mag self-medicate upang hindi lumala ang karamdaman.
- Iwasan ang pag inom ng Amoxicillin at iba pang antibiotic na walang payo ng doktor. Ang gamot na ito ay hindi angkop sa iyong kundisyon at posibleng magpalala pa ng iyong karamdaman.
- Wag maniwala sa mga sabi-sabi ng iba. Hindi nakaka-pagpagaling ng tulo ang buko, gatas, kahit ang gatas na may sabon o detergent powder. Ang pag inom ng detergent o sabon ay delikado sa kalusugan.
Ang tulo ay hindi biro. Wag mahiyang lumapit sa doktor upang matutunan ang dapat gawin at malunasan sa tamang paraan.
No comments:
Post a Comment